Ngayong papalapit na ang summer, subukan ang kakaibang dessert ng magkahalong init at lamig ng sizzling ice cream, o ice cream na inilagay sa sizzling plate sa Tondo, Maynila.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang sizzling ice cream ng 42-anyos na si Lenard Taliongan, owner ng Pooh-Bah Seafoods, Ribs and Steak.

Sinimulan niya ito noong 2023.

“Consists po ito ng salted caramel bar na ice cream on top, may kasama pong peanut brittles na naka-sprinkled sa ibabaw. Tapos binubuhusan po natin siya ng brandy sauce na sarili ko pong recipe,” sabi ni Lenard.

“Something hot and cold po siya. Pagka kinain niyo, nag-i-indulge po sa bibig 'yung different flavors and tastes noong component ng dessert,” dagdag niya.

Mismong sa harap ng customer ibubuhos ang special sauce sa sizzling ice cream upang mas kumpleto ang sizzling experience.

Mabibili ang kakaibang sizzling ice cream ni Lenard sa halagang P119. Nakakabenta sila ng hanggang 50 orders kada araw at madali umano itong maubos.

Ang kita ni Lenard, pumapaldo rin na P100,000 kada buwan.

Samantala, perfect sa outing ang mga patok na ready-to-cook na barbecue na mabibili sa tindahan ng 70-anyos na si Nanay Susan Basco sa palengke ng Pasay.

Dalawang dekada nang pinagkakaguluhan ang mga ready-to-cook na barbecue ni Nanay Susan, na nakabebenta ng 200 kilo kada araw. Ang kaniyang mga paninda, dinadayo ng mga tao kait na galing sa malalayong lugar.

Sikreto ni Nanay Susan ang pag-aalaga ng kaniyang mga suki.

“‘Pag nag-aalaga ka ng suki, kinakailangan pangmatagalan. Halimbawa ‘yung suki mo ‘pag bumili sa 'yo, number one, ‘wag mong bibigyan ng pangit. Para babalik-balikan ka,” sabi ni Nanay Susan.

Sa Sampaloc sa Maynila naman, tila naggagatas ng baka ang mga customer kapag naglalagay sila ng sauce sa fried chicken sa Cheesy Friezz Chick'n, dahil nakabitin ang mga sauce at pinipisil-pisil.

Unli-refill pa ito at puwede ring tikman ang lahat ng sauce bago umorder.

Mabibili ang isang order ng chicken with rice sa halagang P135, at puwede pang paghaluin ang mga sauce.

Abot-kaya at marami ang serving ng kanilang pagkain, kaya patok na patok ito sa mga estudyante.

Ayon kay Gene Lemuelle Manansala, Head of Marketing ng Cheesy Friezz Chick'n, 6 digits na ang kanilang kinikita kada buwan.—FRJ GMA Integrated News