Tataas ang singil sa tubig ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. sa Abril hanggang Hunyo 2026, matapos aprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang tariff mechanism ng dalawang kumpanya upang mabawi ang epekto ng pagbabago sa foreign currency exchange rates, o paghina ng piso kontra sa dolyar.
Sa isang virtual press briefing nitong Biyernes, sinabi ni MWSS-Regulatory Office chief regulator Patrick Ty, na inaprubahan ng MWSS Board of Trustees ang rekomendasyon ng MWSS-RO na ipatupad ang Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) para sa ikalawang quarter ng 2026, na magiging epektibo sa Abril 1, 2026, batay sa pagsusuri sa mga mungkahi ng Manila Water at Maynilad.
Ang FCDA ay quarterly-reviewed tariff mechanism na nagpapahintulot sa mga water concessionaire na mabawi ang pagkalugi o maibalik ang kita na dulot ng pagbabago sa foreign exchange rates.
Pinapayagan ito dahil sa may mga bayarin sa kanilang utang na nakabase sa foreign currency na ginagamit upang pondohan ang pagpapalawak at pagpapahusay ng kanilang water and sewerage services.
Ayon kay Ty, humiling ang Manila Water ng FCDA na 0.76% o P0.39 kada cubic meter mula sa 2026 Average Basic Charge nitong P50.70 kada cubic meter.
Pag-aayos ito mula sa P0.35 kada cubic meter FCDA noong unang quarter, na katumbas ng P0.04 kada cubic meter na pagtaas sa taripa.
Dahil dito, makakaranas ang mga regular na customer ng Manila Water ng dagdag na buwanang bayarin na:
- P0.14 para sa kumokonsumo ng 10 cubic meters
- P0.29 para sa 20 cubic meters
- P0.58 para sa 30 cubic meters
Para naman sa Maynilad, inaprubahan ng MWSS ang pagtaas ng tariff na P0.09 kada cubic meter para sa ikalawang quarter—mula P0.13 kada cubic meter noong unang quarter tungo sa P0.22 kada cubic meter para sa panahon ng Abril hanggang Hunyo.
Ang epekto nito sa mga regular na customer ng Maynilad ay dagdag sa bayarin na:
- P0.27 para sa kumokonsumo ng 10 cubic meters
- P1.00 para sa 20 cubic meters
- P2.07 para sa 30 cubic meters
Hinihikayat naman ng MWSS Regulatory Office ang mga kuwalipikadong consumer na mag-apply ng Enhanced Lifeline Program (ELP) ng Manila Water at Maynilad.
“Implemented by the two Concessionaires in January 2025 under the direction and guidance of the MWSS RO, the ELP grants qualified low-income, low-consuming households—particularly beneficiaries of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) consuming up to 20 cubic meters per month—exemption from the FCDA and reduced water rates” ayon kay Ty. — Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News

