Muling nakita ang Philippine deer sa Marinduque makalipas ang ilang dekada mula nang paniwalaang nawala na ang mga ito sa lugar, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing batay sa impormasyon mula sa DENR, hindi bababa sa 10 usa ang nakita sa Barangay Makulapnit sa bayan ng Sta. Cruz.

May nakita ring mga footprint o bakas ng paa nito sa Boac at mga kalapit na lugar, na patunay umano na muling dumarami ang naturang uri ng hayop.

Nauna nang itinuring locally extinct ang mga naturang usa matapos na hindi na makita sa lugar sa loob ng ilang dekada.

Panawagan ng mga awtoridad sa publiko na tumulong sa pangangalaga ng Philippine deer.

Nagpaalala ang DENR-Mimaropa, sa publiko na huwag lapitan, pakainin, habulin, hulihin, saktan, o patayin ang naturang hayop.

Pinayuhan din nila ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang pagkadisgrasya ng wildlife species na makararating sa kalsada.

FRJ GMA Integrated News