Nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. sa pamilya ng Pilipina na nasawi sa missile attack ng Iran sa Haifa, Israel. Nangako rin ng tulong ang Punong Ehekutibo sa mga naulila.

Sa kaniyang mensahe nitong Martes, tiniyak ni Marcos ang madaliang pag-repatriate sa mga labi ng nasawing Pinay na hindi pinangalanan dahil na rin sa hiling na privacy ng pamilya.

''Nakikiramay tayo sa pamilya ng ating kababayang nasawi sa naganap na missile attack sa Haifa, Israel. Kasama nating nagluluksa ang kaniyang pamilya sa gitna ng isang trahedyang hindi dapat maranasan ninuman,'' sabi ni Marcos.

''I have directed our agencies to extend full assistance to the family and to ensure the immediate repatriation of her remains,'' dagdag ng pangulo.

''Nakikiisa ang buong sambayanan sa kanilang pagdadalamhati. Nawa’y matagpuan nila ang lakas at kapanatagan sa gitna ng trahedyang ito,'' dagdag pa niya.

Una rito, inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasawi ang Pinay nitong Linggo. Nasawi rin ang asawang Israeli ng Pinay, pati ang kaniyang mga biyenan.

"The Department of Foreign Affairs expresses deep sorrow over the death of a Filipina national who was killed in a missile attack on a residence in Haifa, Israel on the evening of 05 April 2026," saad sa pahayag ng DFA.

"The Philippine Embassy in Tel Aviv has informed the family and is providing all necessary assistance, including arrangements for the earliest possible repatriation of her remains despite the current travel situation in the region," ayon sa DFA.

"The Department is also reaching out to support the family during this difficult time," dagdag pa sa pahayag.

Sinabi rin ng DFA na humiling ng privacy ang pamilya ng biktima.

"We join the Filipino community in praying for her eternal rest and for strength for her family during this time of profound loss," saad nito.

Sa hiwalay na pahayag ng Embassy of the State of Israel, nagpaabot sila ng pakikiramay sa pamilya ng biktima.

“Israel stands in profound solidarity with the bereaved family and the Filipino community, and shares in the grief over the loss of a Filipino life. We mourn together and honor their memory with dignity,” ayon sa pahayag.

Nagsimula ang krisis sa Middle East noong Pebrero 28 nang umatake ang Israel at Amerika sa Iran dahil sa programa umano ng huli ng mag-armas ng nukleyar.

Sa pagganti ng Iran sa Israel, nasawi rin sa missile attack ang Pinay caregiver na si Mary Ann Velasquez de Vera. –Anna Felicia Bajo/FRJ GMA News