Makikita sa mukha ng isang amang mani vendor sa Cubao, Quezon City ang labis na kasiyahan nang makita niya ang anak na dala ang medalyang natanggap nito sa graduation. Ang ama, hindi nakasama sa graduation ng anak dahil kailangan niyang kumayod.

Sa video na ibinahagi ng YouScooper Franciska Mae Ordonio, makikita na halos maiyak ang kaniyang 51-anyos na ama na si Crisanto nang isabit niya rito ang kaniyang medalya na nakuha niya sa kaniyang graduation noong Mar. 31, 2026.

Hindi umano nakadalo sa graduation si Tatay Crisanto dahil kailangan niyang magtrabaho para may maihanda sa espesyal na araw na iyon kung saan nagtapos ng senior high school si Francisca.

Sa kabila nito, ramdam daw ni Franciska na proud sa kaniya ang ama, na naging emosyonal at sinabi sa kaniya na, "Very good, anak. Pagbutihin mo pa lalo."

Ngunit hindi lang si Franciska ang nakatanggap ng pagbati sa kaniyang pagtatapos dahil si Tatay Crisanto ay binati rin ng kaniyang mga kaibigan sa bus station dahil may anak siyang napagtapos na niya ng senior high school.

Kasabay ng kaniyang pasasalamat sa ama, nangako si Franciska na lalo pa niyang pagbubutihan ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo, na tutustusan pa rin sa pamamagitan ng pagtitinda ng mani ni Tatay Crisanto.

Lagi rin umanong isasa-isip ni Franciska ang bilin ng ama na ang edukasyon ang tanging pamana na kanilang maibibigay sa kaniya, at hindi mananakaw ng iba.

Maraming netizens naman ang humanga sa sakripisyo ng ama at pagsisikap ng anak.

FRJ GMA Integrated News