Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkoles ang ilang programa para matulungan ang mga driver at operator ng public utility vehicle (PUV) sa harap ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng kaguluhan sa Middle East.
Kabilang na rito ang P10 kada litro na subsidiya sa krudo ng PUVs na may limitasyon na 150 litro bawat linggo. Una itong ipatutupad sa Metro Manila, at tatagal sa loob ng tatlong buwan.
''Sisimulan muna natin ito sa NCR sa susunod na linggo. Una sa Commonwealth, palalawakin natin ito sa mga susunod na araw sa Quezon Avenue, España, Zapote, A. Bonifacio, Rizal, at Marcos Highway hanggang mapalawak natin ito sa buong bansa,'' ayon sa pangulo.
Layunin umano ng programa na maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
''Ang fuel subsidy ay ipapatupad lamang sa mga lehitimong gasoline station na aprubado at mino-monitor ng Department of Energy upang masigurong mapupunta ito sa tama at hindi ito maabuso,'' dagdag niya.
Inihayag din ni Marcos ang programang service contracting na babayaran ng gobyerno ang mga driver at operator ng PUV ng P40 hanggang P100 kada kilometro. Magkakaroon din ng 20% na diskuwento sa pamasahe ang mga pasahero.
Ayoni pa sa pangulo, ang Department of Transportation ang magpapatupad ng programa na sisimulan sa Abril 15. Saklaw ng programa ang 50,000 PUV, 1,000 operator, at inaasahang 15 milyong pasahero sa buong bansa ang makikinabang.
Ipinaliwanag ni Marcos na ipatutupad ang programa sa off-peak hours, o sa oras na hindi kasagsagan ng mga pasahero upang matiyak na may masasakyan ang mga commuter kahit hindi rush hour.
"Lahat ng sasali ay may GPS monitoring para naman matiyak na actual ang biyahe at maayos ang serbisyo. Patuloy ang biyahe, patuloy ang hanapbuhay," ani Marcos.
''Sa ilalim ng programang ito, babayaran namin ang ating mga operator at driver ng mula P40 hanggang P100 kada kilometro,'' dagdag niya.
Para naman sa mga psahero, magkakaroon sila ng hindi bababa sa 20% diskwento sa pamasahe upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
''Para naman sa mga commuter, may kasamang hindi bababa sa 20 porsyento na diskwento sa pamasahe. Ang mga ruta ay nakatuon sa mga lugar na may koneksyon sa tren at pangunahing mga bus route upang maging mas maayos, mabilis at maaasahan ang biyahe,'' pahayag ni Marcos.
Dahil sa ilang linggong mega fuel price hike, nagrereklamo ang mga tsuper na halos wala na silang kinikita kaya sa mga kasamahan nila ang tumigil na sa pamamasada. — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA News
