Nadismaya ang mga may alam sa kasaysayan matapos gibain ang naging tahanan noon ng bayaning si Gregoria de Jesus—ang De Jesus-Del Rosario-Lucena Ancestral House sa Kalye Bilibid Viejo sa Maynila. Itinuturing pa naman itong “important cultural property.” Sino kaya ang nag-utos na gibain ito at anong mga posibleng kaparusahan ang maaari nilang harapin?
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” ipinasilip ang De Jesus-Del Rosario-Lucena Ancestral House, na naging tirahan ni Gregoria de Jesus o Oriang, maybahay ng Supremo na si Andres Bonifacio, na siyang tagapagtago ng mahahalagang dokumento ng Katipunan.
Walang dudang nakaaangat sa buhay ang may-ari ng bahay dahil sa estruktura nito, may dalawang palapag, at “materyales fuertes” o matibay ang mga gamit gaya ng bato, bakal at de kalibreng mga kahoy.
Kaya naman umabot na ng 150 taon pero hindi pa rin natinag sa puwesto ang bahay na bato ng pamilya ni Oriang.
“At kung titingnan niyo 'yung details niya, mayroon siya nitong parang mga diamond, ornamental na bahay na bato from the late Spanish period. Sabi nga nila siya 'yung pinakamatanda dito sa kalyeng ito,” sabi ni Diego Gabriel Torres, history advocate.
Gayunman, hindi maitagong naluluma na ito, gaya ng kinakalawang na bubong, nabubulok na kahoy, at naagnas na mga bato.
Malaking palaisipan sa lahat noong Marso kung sino ang nag-utos na gibain ang bahay ni Oriang.
“Nasa loob, sinisimulan nang tanggalin 'yung mga materyales kasi mahaba 'yung gusali. Mapapansin din na 'yung mismong mga bintana, pinag-aalis na,” sabi ni Torres.
Napag-alamang mga Tsino ang mga kasalukuyang nagmamay-ari ng matandang bahay.
“Yung wala pa naman kumuha sa amin ng demolition permit, kinausap namin, i-hold muna, wala muna magde-demolish diyan. Kahit kumuha ka sa barangay, hindi puwedeng bigyan,” sabi ni Cecilio Mateo, punong barangay.
“Actually, walang demolition. Sa loob siguro ng property, may mga pumapasok doon na tao, kinukuha 'yung mga kahoy doon. Kaya nalaman ng may-ari yata, 'yung mga bagong nakabili, pinasarado ‘yun,” sabi pa ni Mateo.
Kahit na itinuturing na important cultural property ang bahay na bato nina Oriang, hindi nila alam na cultural property ang bahay na nakatayo sa kanilang barangay.
“Basta kami, doon lang kami sa sinabi sa amin ng mga historical… na 'yung bahay na ‘yan, matagal na ‘yan, historical ‘yan. Dating nakatira ang asawa ni Andres Bonifacio,” sabi ni Mateo.
Para kay Aljon Concillado, history researcher ng Historic Preservation Division ng National Historical Commission of the Philippines, “ignorance of the law excuses no one.”
“Very unfortunate na may gap pa rin when it comes to the knowledge. Pero sabi nga nila, ignorance of the law excuses no one. Isa sa mga napadalahan namin ng cease and order na ito ay ang LGU. And we hope that the LGU can also help us in disseminating the mandate,” sabi niya.
Sa pakikipag-ugnayan ng I Juander sa lokal na pamahalaan ng Maynila, ipatatawag ni Mayor Isko Moreno ang mga kasalukuyang may-ari para magpaliwanag.
“Wala silang permiso. Wala silang kakayanang dapat na mag-demolish. We have already directed the police enforcement unit. If there is something going on there, at kahit 'yung taong bayan, i-report kaagad sa pulisya, we will apprehend them. E ngayon, nakatengga sila,” sabi ni Moreno.
Makaraan ang dalawang araw, nakipag-ugnayan na ang may-ari ngayon sa Assessor's Office ng Maynila.
Lumabas sa inspection ng Department of Engineering and Public Works ng Maynila ang ilang paglabag umano ng may-ari ng building, kabilang na ang kawalan ng kaukulang demolition permit at historical clearance.
Sinabi nilang malinaw na hindi ito umaayon sa mga itinatakda ng National Building Code of the Philippines.
Pinadalhan din ng I Juander ng mensahe ang mga kasalukuyang may-ari ng mga bahay para kunin ang kanilang panig ngunit wala pa silang sagot hanggang ngayon sa umere ang ulat. – FRJ GMA News
