Naglunsad kamakailan ng malawakang paghahanap ang mga awtoridad sa Mount Kalatungan sa Bukidnon nang maglaho na parang bula ang isang 31-anyos na hiker. Matagpuan pa kaya siya? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing Hunyo 11 nang kasamang dumating ni Arvin Pamilar Almonia ang pinsan niyang si Alkharj Zamayla o “Khar-Khar” sa bayan ng Pangantucan, na nagsisilbing jump-off point paakyat ng Mount Kalatungan.
Mula sa Jasaan, Misamis Oriental si Khar-Khar, na isang safety officer sa isang pribadong kompanya.
“Fifteen na boiled egg, tapos dalawang kilong bigas, tapos isang melon, ‘yun lang dala niya,” kuwento ni Arvin.
Ang kaibigan ni Arvin at tour guide na si Lembran Guina ang nagyaya umano kay Khar-Khar na sumama sa pag-akyat.
“‘Yung akala ko na hindi na sila makakapunta kasi hindi sila nag-response doon sa mga chat ko nu’ng nakaraan. Biglaan lang sila dumating na papaalis na sana kami, pinasama ko na lang,” sabi ni Lembran.
Nasa mahigit 30 guests ang aakyat umano ng summit, ngunit sina Khar-Khar at Arvin lang ang walang permit noong araw na iyon.
“Pinayagan ko na lang kasi sayang naman din 'yung opportunity na gusto rin nilang mag-unwind,” sabi ni Lembran.
Bago umakyat, may isinagawa munang ritwal bilang paggalang umano sa bundok, bagay na hindi na naabutan nina Khar-Khar.
Nasa mahigit 20,000 hectares ang kabuang lawak ng Mount Kalatungan Range Natural Park.
“'Yung trail po doon, hindi po masyadong established. More on assault talaga paakyat. Wala talagang masyadong patag. Kahit wala kang kapitan, okay naman. ‘Yung stamina mo lang talaga 'yung kalaban mo doon. Kung susundin mo lang talaga 'yung sign tapos 'yung trail, hindi ka maliligaw,” sabi ni Arvin.
Kailangang gumugol ng hikers ng tatlong gabi at apat na araw para marating ang pinakatuktok nito sa pamagitan ng traverse trail o pag-akyat sa isang bundok papuntang kabilang bundok.
Makaraan ang higit limang oras, narating nila ang unang campsite sa Mount Sambilihan.
Sa isang video, mapanonood pa si Khar-Khar na nasa first camp na natutulog sa tent kasama ang mga lokal.
Hunyo 12 ang ikalawang araw ng kanilang hike, kung saan kailangan nilang puntahan ang ikalawang campsite sa Mount Taglinawan. Narating ito ng mga hiker ng 3 p.m.
“Hinintay ko si Khar-Khar. Akala ko makasunod na siya kasi anong oras na. Tinanong ko 'yung guide din na lokal. Nagpaiwan daw doon sa may water source daw. Lampas na ng first camp,” kuwento ni Arvin.
“Nakita ko doon si Alkharj, nakaupo. Tapos sabi ko sa kaniya, O, Khar, ba't andito ka pa? Sabi niya sa akin, ‘Mag-explore, explore lang ako, brother,’” kuwento ni Lembran.
Hanggang sa nakasalubong pa umano ni Khar-Khar ang kapwa niya hiker na si Milyn Murillo.
“Bigla na lang siyang lumabas doon sa looban. Kasi may daan, tapos gubat. Doon daw siya galing sa loob kasi na-explore daw siya. Tapos nakahubad. Wala siya talagang damit dito sa itaas. Short lang at saka bag pack na black. Tapos nakapaa,” paglalarawan ni Milyn.
Nakipagkuwentuhan pa kina Milyn at humingi ng tubig si Khar-Khar.
“Sumabay siya sa amin. Mga 1 minute lang siguro, ganiyan. Saglit lang, nawala na din siya,” kuwento ni Milyn.
Ito na ang huling pagkakataong nakita nila si Khar-Khar.
Dahil dito, nag-backtrail na si Arvin upang hanapin ang kaniyang pinsan.
Hunyo 13 nang i-report na nila sa mga awtoridad ang pagkawala ni Khar-Khar.
Hunyo 15 nang ikinasa ang malawakang search and rescue operation, at sinuyod ang unang camp hanggang sa lugar kung saan huling nakita si Khar-Khar.
“Twenty one persons po sila, kasama po 'yung local guides at tsaka may ilang volunteers po na umakyat. Doon sa area kung saan siya nawala, nakita silang parang pinagdumihan na may toilet paper doon. Hindi namin confirm kung sa kaniya,” sabi ni Rhyneheart Silva Uy, IMT Operation Section Chief ng MDRRMO.
Nagsama-sama ang lokal na pamahalaan, ang militar, volunteers at mga pribadong kompanya para mahanap si Khar-Khar.
Nagpalipad pa sila ng thermal drone na may kakayahang makatukoy ng tao kahit pa sa gitna ng mayabong na gubat. Mayroon ding napansin ang dala nilang K9 dog na bakas ng paa.
Mahanap pa kaya si Khar-Khar at kung hindi, saan kaya siya nagpunta? Tunghayan sa video ang buong kuwento.—FRJ GMA News
