Ang Pilipinas ang may pinakamahal na singil sa kuryente sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) nitong June dahil sa maliit na supply at mataas demand ng kuryente, ayon sa Department of Energy (DOE).
Ayon kay DOE Undersecretary Rowena Cristina Guevara, umabot sa P12.43 kada kilowatt-hour (kWh) ang presyo ng kuryente sa bansa noong Hunyo, na mas mataas ng P0.093 kada kWh kumpara sa singil sa Singapore.
“Sa Visayas, siya talaga ‘yung pinakamahal dahil talagang may kakulangan tayo sa supply doon. Meron tayong 21 plants na naka-forced outage and therefore, dependent siya talaga sa Luzon at sa Mindanao for imported power,” paliwanag niya sa virtual briefing nitong Lunes.
“Alam niyo naman, naka-yellow alert sila palagi since May 13, and that is the one that is driving the price high for Visayas,” dagdag nito.
Ilang araw na nakaranas ng yellow alert ang Visayas grid noong Hunyo. Ibig sabihin nito, hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid. Pangunahing dahilan nito ang patuloy na forced outage sa operasyon ng ilang malalaking coal-fired power plant sa rehiyon.
Kabilang sa mga plantang naapektuhan ng forced outage ang Therma Visayas Inc. (TVI) Units 1 at 2 at Panay Energy Development Corp. (PEDC).
“For the rest… Meron kasi din tayong mga matataas na demand during the summer months, and therefore we have to operate the more expensive power plants. Imbes na mag-blackout, paandarin na lang ‘yung mga medyo mahal na plant,” ayon kay Guevara.
Samantala, itinaas ng Manila Electric Company (Meralco), na nagsusuplay ng kuryente sa Metro Manila, ang singil nito ng P0.1488 kada kWh, dahilan upang tumaas ang kabuuang residential rate sa P14.4833 kada kWh mula sa P14.3345 kada kWh noong Mayo. Katumbas ito ng humigit-kumulang P29.76 na dagdag sa buwanang bayarin ng isang karaniwang kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh.
Nagpatupad din ang Meralco ng panibagong P0.3428 kada kWh na dagdag-singil para sa Hulyo, kaya umabot na sa P14.8621 kada kWh ang kabuuang rate. Dahil dito, maaaring madagdagan ng humigit-kumulang P69 ang buwanang bayarin ng isang karaniwang kabahayan.–FRJ GMA News

