Game at masayang sumabak sa lakaran sa kalsada sa gitna ng ulan ang ex-housemate sa reality show na Pinoy Big Brother na si Vince Maristela dahil sa baha at matinding trapik.

Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Lunes, ipinakita ang ginawang pag-video ni Vince sa kaniyang sarili na nakapayong habang naglalakad sa daan na may mababaw na baha dahil sa malakas na pag-ulan na naranasan sa Luzon.

Saad ng aktor, mas mabilis daw na makakarating sa pupuntahan kapag naglakad kaysa nakasakay sa kotse dahil sa matinding trapik sa Marcos Highway.

Sa video, makikita na maraming kasabay na mga tao si Vince na naglalakad sa gitna ng ulan. Nakahilera rin ang mga sasakyan na nakatigil at hindi umuusad dahil sa baha.

Nakarating naman si Vince sa bukana ng isang subdibisyon sa Rizal at doon naman siya nakisakay sa likod ng truck ng bumbero kasama pa rin ang ibang tao upang makarating sa kaniyang destinasyon.

Dahil maraming kalsada ang nalubog sa baha sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, marami ring commuters ang na-stranded sa kanilang pag-uwi.

– FRJ GMA News