Isang babaeng dalawang-taong-gulang ang nasawi matapos siyang malunod sa irrigation canal nang aksidenteng maitulak ng nakatatanda niyang kapatid sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabi ng opisyal ng barangay na kasama ng magkapatid ang kanilang ina sa palayan na may tubig para sana manghuli ng isda.

Pero habang naglalaro ang dalawa, aksidente umanong naitulak ng mas nakatatandang kapatid na anim na taong gulang ang biktima sa drainage canal.

Tumulong ang isang namimingwit sa kalapit na ilog pero nahigot na sa ilalim ng tubig ang batang biktima.

Hindi rin lumabas sa kabilang lagusan ng canal ang kaniyang katawan dahil may nakabara.

Nang makuha, isinugod ang bata sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.

Samantala, isang 17-anyos na lalaki rin ang nalunod sa Licab, Nueva Ecija matapos na aksidenteng mahulog mula sa bangka habang nangingisda sa isang ilog sa Barangay Aquino.

Patay na nang matagpuan ang binatilyo.—FRJ GMA News