Pinag-iingat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga tilapia grower at nagbabantay sa mga pantalan dahil sa nadiskubreng virus sa ibang bansa na namemeste ng mga tilapia.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nadiskubre kamakailan ng mga eksperto ang naturang virus na kung tawagin ay "TILV" o tilapia lake virus, na nagdudulot ng sakit sa tilapia mula Colombia, Ecuador, Egypt, Israel at Thailand.
Bukod sa ikamamatay ng tilapia ang TILV, nagiging dahilan din ito para matanggal ang kanilang kaliskis o magkasugat sa balat, at maging malabo ang mga mata.
Ayon sa Food and Agriculture Organization ng United National, wala naman masamang epekto sa tao kung makakain siya ng tilapia na may TILV.
Gayunman, pinangangambahan nila na magiging dahilan ang TILV para maubos ng mga cultured at wild tilapia sa mga apektadong bansa.
Ayon sa BFAR, wala pa sa Pilipinas ang TILV kaya naman mahigpit ang kanilang payo sa mga tilapia growers at pati mga pantalan na maging maingat para hindi makapasok sa bansa ang virus.
Sinabi ni Eduarso Gongona, director ng BFAR, maging ang mga inaangkat na fingerlings ay kanilang sinusuring mabuti para matiyak na hindi ito nagtataglay ng virus.
Ang tilapia ang isa sa mga paboritong kainin ng mga Pinoy dahil mas mura ito kumpara sa ibang isda.
Sa datos ng GMA News Research na batay sa Philippine Statistics Authority, mahigit 300 metriko toneladang tilapia ang inani ng bansa noong nakaraang taon, halos kalahati nito ay galing sa Central Luzon.
Sa unang bahagi pa lang ng 2017, aabot na sa 99,000 metric tons ang produksyon ng tilapia na karamihan ay galing sa Pampanga, Batangas, Rizal, Pangasinan, Laguna, Tarlac, Camarines Sur, Isabela, Maguindanao at Bulacan. -- FRJ, GMA News
