Madalas ka bang nahihirapan sa pag-ihi at sinasamahan pa ng pagsakit ng balakang? Maaaring mayroon ka nang urinary tract infection o UTI.
Sa episode ng "Pinoy MD" nitong nakaraang linggo, tinalakay ang mga sanhi ng pabalik-balik na UTI.
Ayon kay Dr. Reginald Gozon Bautista, isang urologist, ang UTI ay isang impeksyon sa kahit anong bahagi ng urinary tract ng tao gaya ng kidney, ureters, urinary bladder, at urethra. Dulot ito ng mikrobyo tulad ng E. coli.
Bagama't puwedeng magka-UTI ang mga lalaking edad 50 pataas, mas madalas daw magkaroon ng UTI ang mga babae.
"Kaya naman ang mga babae mas madali datnan nito o tamaan nito ay dahil ang kanilang puwerta o reproductive tract ay halos magkadikit lamang sa daanan ng dumi. Tapos aakyat 'yan papunta sa urinary tract ng babae," ani Bautista.
"Kaya rin madalas nangyayari madalas sa babae ito ay dahil mas maikli ang daanan ng ihi ng babae. Mas madali kapitan ito ng mikrobyo na pinakapangkaraniwan ay E. coli," dagdag pa niya.
Chronic o recurrent UTI ang tawag sa pabalik-balik na sakit. Nangyayari raw ito kapag hindi lubos na nasugpo ang impeksyon ng mikrobyo. Puwede ring may "anatomical problem" tulad ng kidney stones kaya pabalik-balik ang UTI.
Puwede ring hindi maayos ang naging pag-inom ng gamot o kaya naman naging resistant na ang mikrobyo sa gamot, kaya naman nawawalan na ng bisa ang pag-inom ng antibiotic.
Ayon pa kay Bautista, may mga grupo ng UTI na tinatawag na "complicated UTI" o UTI na hindi basta nagagamot ng karaniwang antibiotic.
"Ito ang mga impeksyon na kumalat na sa dugo, na tinatawag nating bacteremia o tinatawag na septicemia," ayon sa doktor.
Sa ganitong impeksyon, kailangan nang gumamit ng mas mataas na kalidad ng antibiotics.
Pero epektibo ba ang sinasabing pag-inom ng buko juice para gumaling ang UTI?
"Ang buko juice ay hindi gamot sa UTI. 'Yan ay maganda lamang para gumanda ang daloy ng ihi ng pasyente, para maiwasa magka-UTI," aniya.
Para maiwasan ang pabalik-balik na UTI, sundin ang mga payong ito:
1. Huwag magpigil ng ihi.
2. Uminom ng dalawa hanggang tatlong litrong tubig bawat araw. Makatutulong din ang mga diuretics tulad ng buko juice at cranberry juice.
3. Umiwas sa maaalat na pagkain.
4. Gumamit ng cotton underwear para hindi makulob ang mikrobyo.
5. Sa mga sexually active, gumamit ng lubricant sa pakikipagtalik at umihi kaagad matapos ang sexual contact.
6. Regular na magpa-ultrasound at Pap smear
—JST, GMA News
