Inilabas nitong Miyerkules ang animated video na nagpapakita kung papaano muntikang mahagip ng eroplano ng Air Canada ang apat na nakahimpil na eroplano sa San Francisco International Airport— kabilang ang Philippine Airlines flight 115.
Sa animated video na inilabas ng The Bay Area News batay sa datos ng FlightAware, ipinakita kung gaano kalapit ang lipad ng Air Canada flight 759 sa PAL plane habang papalapag sa San Francisco International Airport noong July 7.
Batay sa video, nasa 51 feet lang ang pagitan ng dalawang eroplano.
Kabilang ang PAL plane sa apat na eroplano na nasa "taxiway" o naghihintay ng pahintulot mula sa control tower para makalipad.
Bagaman binigyan ng control tower ng pahintulot ang Air Canada plane na lumapad, nagkamali naman ito sa kaniyang pag-landing pero mabuti na lang at muling umangat kaya naiwasan ang trahediya.
Sinisiyasat na ng Federal regulators ang nangyari. -- FRJ, GMA News
