Hindi inasahan ng mag-asawang Felson at Jonavy Cuales na magkakaroon ng parasitic twin ang kanilang anak na si Aya, na apat na taong gulang na ngayon. Ang kalagayan ng bata na sumailalim na sa ilang operasyon, tinutukan ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho.

Ilang buwan na ngayong nasa Maynila ang pamilya Cuales na mula sa Tagum City, Davao del Norte, dahil sumailalim sa iba't ibang operasyon ang batang si Aya, na isinilang na may parasitic twin.

Parasitic twin ang tawag sa kambal na hindi lubos na nabuo at hindi humiwalay sa kaniyang kakambal.

Kaya naman si Aya, doble ang bilang ng braso, binti at paa, at doble rin ang utak.

Ang sitwasyon umano ni Aya ay sinasabing pang-107 na kaso ng parasitic twin na naitala sa buong mundo.

Upang mapaoperahan si Aya at maging normal ang buhay, nagpasya si Felson na ipagpaliban ang pagtatrabaho sa Australia para matutukan ang mga pangangailangan ng anak.

Noong Abril 2015, sinimulan na ang ilang operasyon kay Aya kung saan inalis ang sobra niyang kamay at paa. Pero simula pa lang ito ng mga operasyon na pagdadaanan ni Aya.

Panoorin ang kompletong pagtututok ng "KMJS" sa pakikipagsapalaran ni Aya upang mabuhay ng normal at ang walang kapantay na pagmamahal sa kaniya ng kaniyang mga magulang:

Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

-- FRJ/KVD, GMA News