Dalawa ang nasawi matapos tamaan ng isang eroplanong nag-emergency landing sa isang beach sa Portugal. Sa Texas, USA, isang eroplano rin ang nag-emergency landing naman sa gilid ng highway.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nakunan ng dashboard camera ng isang pulis ang pagbagsak ng single-engine plane sa gilid ng highway sa Texas.
(Screengrab mula sa GMA News 'Balitanghali')
Pauwi na raw ang pulis nang makita niya ang mababang lipad ng eroplano hanggang sa bumagsak.
Ayon sa mga awtoridad, galing sa kalapit na paliparan ang eroplano at nag-refuel nang mangyari ang insidente.
Kritikal ang isa sa dalawang sakay ng eroplano, at inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng pagbagsak nito.
Samantala sa Portugal, nag-emergency landing rin ang isang maliit na eroplano sa isang beach na malapit sa Lisbon.
Ayon sa isang saksi, dalawang beachgoer ang nasawi matapos na tamaan sila ng eroplano.
Inaalam pa ang sanhi ng pag-emergency landing ng eroplano. -- FRJ, GMA News

