Dalawa sa may 12 babaeng bilanggo na sinasabing sinapian ng masamang espiritu sa isang piitan sa Cotabato ang nagkuwento sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tungkol sa kanilang naging karanasan. Sanib nga ba ang nangyari o dala lamang ng depresyon, o "withdrawal" sa droga ang kanilang pagwawala na nakunan sa video.
Sa video, makikita ang pagwawala at pagsisigaw ng may 12 babaeng preso nang saniban umano ng masamang espiritu sa loob ng South Cotabato Rehabilitation and Detention Center sa Koronadal City.
Ang mga sinasabing sinaniban, dinasalan habang hawak ng hanggang apat na katao dahil sa lakas ng kanilang pagpipiglas.
Nang makausap ang dalawa sa mga bilanggo, kapwa may nabanggit tungkol sa isang babae na nais umanong maghiganti dahil sa pagkamatay ng anak nito.
Hinihinala rin na baka may nabulabog na kakaibang mga nilalang kaugnayan sa ginagawang konstruksyon sa loob ng pasilidad ng bilangguan para madagdagaan ang kulungan bunga ng pagdami ng mga nakadetine rito.
Pero paliwanag naman ng isang opisyal, baka may kaugnayan ang pagwawala ng ilang bilanggo sa tinatawag na "withdrawal" sa droga dahil ilan sa kanila ay nakulong dahil sa kaso ng bawal na gamot.
Ayon naman sa isang psychologist na inimbitahan ng "KMJS" para tingnan ang mga sinasabing sinapian, maaaring nakararanas ng depresyon ang mga bilanggo.
Pero nang araw na magtungo siya sa piitan ang psychologist, muling nakaranas ng umano'y sanib ang ilang bilanggo. Panoorin ang pagtututok na ito ng "KMJS:"
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News
