Sa programang "Mars" tinalakay ang kaugnayan ng mga numero na tila paulit-ulit na nakikita ng isang tao sa iba't ibang pagkakataon at kung saan mang lugar na magpunta.
Sa "Paranormars" segment sa "Mars" nitong Huwebes, ipinaliwanag ni paranormal expert Noel Resella, maging siya ay nakararanas ng ganitong sitwasyon na paulit-ulit na nakikita ang isang numero at hindi raw ito dapat basta balewalain dahil mayroon itong nais ipahiwatig o kahulugan.
Si Andre Paras na isa sa mga bisita sa programa, sinabing madalas siyang magising sa 3:00 am kahit walang alarm clock.
Ayon kay Resella, mahalaga ang numerong "3" dahil ito ang bilang ng "manifestation" ng trinity, ang "mind, body at soul."
Ipinaliwanag niyang isa raw itong magandang tanda kung saan lahat ng tao ay tinatawag na magsama-sama bilang grupo, i-"unite" ang kanilang mga energies at simulan ang pagbabago.
Dagdag pa niya, ang palaging paggising ng 3 a.m. ay paalala sa isang tao na magkaroon ng pagbabago.
Ipinaliwanag din ni Resella na sa pagtaas ng Schumann resonance o vibration ng mundo, tumataas din ang human consciousness.
Ang numerong "6" daw ay tanda umano ng "growth and progress," kaya kung palagi itong nakikita ng isang tao, magdidire-diretso raw ang kanyang mga projects at goals.
Kapag naman ang isang tao ay palaging nakakakita ng numerong "1," marami raw potensyal sa isang tao at bagong simula.
Samantalang ang numerong "7" ay tungkol sa worries at mga stress na ibinibigay ng isang tao sa kaniyang sarili.
Iminungkahi ni Resella na dapat magkaroon din ang mga tao ng "inner baths" para malinis ang kanilang "emotional pollution."
Sa isang bahagi ng programa, pinabunot ang mga host at mga bisita ng mga numero na may kahulugan tungkol sa nakaraan at kasalukuyan.
Ang Kapuso heartthrob na si Karlo Duterte, mga numerong 3, 7, at 7 ang nakuha.
Nakasaad sa number 3 ang mungkahi kay Karlo na gumawa ng tulay ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtulunga, at number 7 para naman sa "perseverance."
Nabunot naman ni "Mars" host na si Camille Prats ang mga numerong 10, na ang ibig sabihin ay "time of completion."
Dalawang beses nabunot ng isa pang host ng "Mars" na si Suzi Abrera ang "2", na nagsasaad ng "focus in partnerships and merging of energies."
Panoorin ang naturang pagtalakay ng "Mars" tungkol sa mensahe ng mga numero:
Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
