May kakaibang kasangga ang mga bumbero sa Spain para labanan ang forest fire sa kanilang lugar— ang mga kambing.
(Screengrab mula sa Reuters TV)
Malaki umano ang naitutulong ng mga kambing para maiwasan ang sunog sa kanilang kabundukan, o kaya naman mapigilan ang pagkalat ng apoy.
Bilang bahagi ng proyekto, dinadala ang napakaraming kambing sa ilang piling lugar sa bundok para kainin ang mga sobrang halaman at nagkalat na mga damo.
Kilala ang mga kambing sa lakas ng pagkonsumo sa pagkain na berdeng halaman.
Sa ganitong paraan, nababawasan ang mga natutuyong halaman at damo na karaniwang pinagmumulan ng sunog sa mga kabundukan.
Ang naturang paraan ng panlaban sa forest fire ay lumang kaugalian na raw sa Europa at tinatawag ang mga kambing bilang "goat fire brigade".
"We call them fire fighters, because for us they are fire fighters. They are not human fire fighter but they help us, not only to prevent fire but to suppress fire," saad sa ulat sa Reuters TV ni Oriol Vilalta, general manager ng Pau Costa Foundation, ang nasa likod ng programa sa paggamit ng mga kambing sa bahagi ng Girona sa Spain.
Dahil na rin sa tindi ng init ng panahon sa Europe, ilang forest fire ang nangyari sa Spain, France, at Italya.-- FRJ, GMA News

