Nasubok ang husay ng mga rescuer sa China sa ginawang pagsagip sa isang anim na taong na babae na naipit ang ulo sa pagitan ng dalawang malaking pader sa isang paaralan sa Suzhou City.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente habang naglalaro ang biktima sa oras ng lunch break ng paaralan.
Napasugod sa paaralan ang mga rescuer at ang ina ng bata nang malaman ang nangyari.
Unang sinubukan ng mga rescuer na sirain ang pader pero itinigil ito dahil sa pangamba na gumuho ang bahagi ng gusali.
Sunod na gumamit ang mga rescuer ng abrasive papers para mapanipis ang bahagi ng mga pader at nilagyan ng lubricating oil para dumulas ang naipit na bahagi ng ulo ng biktima.
Dito na tuluyang nailigtas ang bata at nasa mabuti nang kalagayan. (Larawan. Screengrab mula sa 'Balita Pilipinas')-- FRJ, GMA News


