Patay ang tinaguriang "Cobra King" ng Sorsogon matapos na matuklaw ng sariling ahas at inumin ang dugo nito dahil sa galit bunga ng ginawang pagtuklaw sa kaniya.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabing bago ang insidente, inilagay ng biktimang si Elies Lenturio ang alagang cobra sa loob ng utility box ng kaniyang motorsiklo noong nakaraang Sabado.

Pero pagbukas niya sa utility box, bigla na lang siyang tinuklaw ng ahas.

Dahil marahil sa galit ni Lenturio, pinutol niya ang ulo ang ahas at ininom ang dugo nito.

Nang matulog umano ang biktima, bigla na lang siyang nangisay, nanigas ang katawan at bumula ang bibig.

Sinabi sa ulat na bata pa lang ay nag-aalaga na umano si Lenturio ng mga ahas. Ang biktima rin daw ang tinatawag ng mga kapitbahay kapag may nakapasok na ahas sa kanilang bahay. -- FRJ, GMA News