Sa bayan ng Bulakan sa Bulacan, may isang imahen na tanging mga kababaihan lamang ang puwedeng humawak at bumuhat ng kaniyang andas— ang imahen ni Sta. Ines. Alamin kung bakit nga ba bawal siyang hawakan ng mga lalaki.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Lunes, sinabing matagal nang tradisyon na tanging mga kababaihan lang ang humahawak at bumubuhat sa imahen at patuloy na ipinatutupad ito hanggang ngayon.
Ibinahagi ni Fr. Francis Cortez III, Assistant Parish ng Nuesta Señora de la Asuncion, ang isang kuwento tungkol sa mangingisdang lalaki na nakakita sa imahen sa laot pero hindi niya mabuhat pagsapit sa pampang.
"Nang siya ay papalapit na sa pampang upang hanguin sa tubig ang batya na kinalululanan ni Sta. Ines ay hindi niya mabuhat. Kaya tumawag siya ng iba pang kalalakihan para siya ay tulungan," ayon sa pari pero hindi pa rin daw nabuhat ang imahen.
Patuloy ni Fr. Cortez, "Hindi nila kayang buhatin hanggang tumawag sila ng isang babae para magpatulong. At kahit nag-iisa lamang ang babaeng ito, nabuhat niya ang batyang kinalululanan ni Sta. Ines."
Magmula noon, tanging mga babae lang daw ang pinahahawak sa imahen. At ang nakagisnang tradisyon, nadagdagan pa ng iba't ibang paniniwala.
Ayon sa mga residente, sumasama umano ang panahon kapag nahawakan ng lalaki ang imahen.
Maliban pa rito, may mas malalim pa raw na kahulugan kung bakit hindi puwedeng hawakan ng mga lalaki ang imahen upang mapanatili ang kaniyang pagkadalisay tulad noong nabubuhay pa siya.
"Niyakap niya ang pananampalatayang Kristiyano. Mayroon siyang spiritual spouse, ang kaniyang spiritual na esposo ay ang panginoong Hesukristo," ayon kay Fr. Cortez.
Tanggap naman at iginagalang ng mga kalalakihan ang tradisyong ito. At kahit babae lang ang puwedeng humawak sa imahen, marami ring lalaki ang nanampalataya kay Sta. Ines.
Kung magpapahatid ng panyo ang debotong lalaki, ibinibigay nila sa mga babae ang panyo na siyang magpapahid nito sa imahen bago ibalik sa kanila.
Pinaniniwalaan ng ilang deboto tulad nina Dalia Navarro at Dra. Angelina Carreon na milagroso ang imahen na nakapagpagaling sa kanilang mga sakit.
Pero anuman daw ang paniniwala, ang pinakamahalaga ay ang pagpapakita umano ng masidhing pananampalataya, ayon kay Fr. Cortez. -- FRJ, GMA News
