Nauwi sa kagatan ang pagresponde ng mga pulis sa New Hampshire sa tawag tungkol sa insidente ng pamamaril sa Boscawen nang manlaban ang isang lalaki, hindi sa mga pulis, kung hindi sa dala nilang police dog.
(Larawan mula sa FB page ng New Hampshire Canine Trooper’s Association)
Sa ulat ng Reuters, sinabi ni Lieutenant Jason Killary ng Boscawen Police Department, na nagtungo sa isang bahay sa lugar ang kaniyang mga tauhan dahil sa natanggap nilang impormasyon na may taong binaril.
Dalawang lalaki umano sa bahay na may warrant of arrest ang nagtangkang takasan ang mga pulis.
“Both of them resisted arrest and one very strongly resisted arrest. He bit the dog, the dog bit him, he ended up getting Tasered,” sabi ni Killary.
Maliban sa dati nang kinakaharap na kaso, nadagdagan ito ng reklamong resisting arrest at pag-atake sa police dog.
Hindi naman lubhang nasaktan at balik na sa trabaho ang aso na kinilala sa Facebook page ng New Hampshire Canine Trooper’s Association na si K9 Veda.
Ayon kay Killary, wala pa siyang narinig na insidente na nagtangkang kagatin ng tao ang aso.
“If you get into a biting competition with a police dog, you’re not going to win,” ani Killary. “They’re pretty good at that.”-- Reuters/FRJ, GMA News

