Magaganap na sa Miyerkoles ng gabi ang inaabangang pambihirang pangyayari sa buwan na tinatawag na "Super Blue Blood Moon." Pero bakit nga ba ito ang tawag sa kaniya?
Ayon kay Nathaniel "Mang Tani" Cruz, GMA resident meteorologist, "supermoon" ang tawag sa buwan kapag pinakamalapit ito sa mundo.
Dahil mas malapit sa mundo, nagiging mas malaki at mas maliwanag din ang buwan.
Samantala, "blue moon" naman ang tawag sa ikalawang full moon na nangyayari sa loob ng isang buwan.
Nauna nang nagka-full moon nitong Enero uno at mauulit sa ikalawang pagkakataon bukas [Miyerkoles], saad ni Mang Tani sa kaniyang ulat sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.
At sa pambihirang pagkataon, sasabay ang "super blue moon" sa isang total lunar eclipse, na tinatawag ding "blood moon" dahil tila nagkukulay pula ang buwan.
Kaya naman bukas ng gabi ay makikita ang buwan na mas malaki, mas maliwanag, at kulay pula.
Masisilayan ang Super Blue Blood Moon simula 6:45 p.m.. Habang ang peak nito ay mangyayari sa ganap na 9:29 p.m., at magwawakas pagsapit ng 12:09 a.m. sa Huwebes.
Gayunman, malinaw na makikita ang pambihirang mangyayari sa buwan kung hindi umano magiging maulap ang papawirin.-- FRJ, GMA News
