Kakaiba ang paandar ng isang museo sa Hong Kong dahil ang animo'y lumang plaka o vinyl record na makikita rito, gawa sa tsokolate na puwedeng kainin matapos madinig ang musika nito.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, ang naturang paandar ng plaka na maaaring kainin ay gawa ng French sound artist na si Julia Drouhin.
Ayon kay Drouhin, dati nang nagagamit ang chocolate bilang gamot na pang-alis ng stress at umaasa siyang magiging mas mabisa ito kapag sinamahan ng musika.
Sa pagawa ng plakang tsokolate, ibubuhos ang tunaw na tsokolate sa isang molde na ibinase sa isang vinyl record at saka palalamigin para tumigas.
Kapag isinalang sa turntable ang plaka, may maririnig ding musika mula sa kakaibang plaka.
"I was able to pour it on top of an original record made of plastic or acetate so we actually cast the original record," ani Drouhin kaya nagkakaroon ng tugtog ang plakang gawa sa chocolate.
Gayunman, hanggang sampung beses lang daw puwedeng patugtugin ang isang chocolate record dahil nabubura ang musikang nalilikha mula rito sa tuwing pinatutugtog sa turntable.
Matapos na ma-enjoy ang magandang tugtugin, puwede nang kainin ang plaka.-- FRJ, GMA News
