Dahil sa insidente ng pagpapalabas ng clip ng malaswang video, ipinasara muna ang isang electronic billboard sa Makati. Pero ang pamunuan na nasa likod ng naturang billboard, idinahilan na na-hack ang kanilang sistema.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ang nag-viral na video kung saan maririnig ang ilang nakapanod sa porn clip na pakutyang sumisigaw ng, "'Yan! Sige porno pa!"

May natawa, nagulat at marami rin naiskandalo nang lumabas ang pornographic video clip sa electronic billboard na makikita sa abalang panulukan ng Makati Avenue at Gil Puyat Avenue.

Sinasabing mahigit 30 segundo umano tumagal ang eksenang nakuha sa video. Pero ayon sa kumuha ng nag-viral na video sa social media, tumakbo pa raw nang mas mahaba ang porn clip bago tuluyang nawala.

Dahil sa insidenteng, ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Makati ang billboard at pinagpapaliwanag ang Globaltronics Inc., ang may-ari at operator nito.

"As of last night I ordered them to shutdown their billboard because that means na-compromise yung system. Until they determine what is the cause of the...papaano napalabas yung show na 'yon kung internally ba o externally nagkaroon ng remote access, kung anomang sinasabi nila, sarado po sila ngayon," sabi ni Mayor Abby Binay ng Makati.

Paliwanag umano ng Globaltronics, na-hack daw ang kanilang system, at tinawag nilang "malicious attack" ang nangyari sa kanilang billboard.

Ipinagbigay-alam na raw nila ito ng pulisya, na nangakong namang magsasagawa ng imbestigasyon.

"We need to conduct an investigation to be able to make sure that there was a hacking incident kasi if it's not they are actually liable for that," sabi ni Sr. Insp. Artemio Cinco, Chief Investigation, PNP-ACG.

Sabi naman ni Claro Certeza, city administrator,  pawawalang-bisa nila ang lisensiya ng kompanya at mananagot kapag napatunayan na walang nangyaring hacking sa kanilang sistema.

Balak din daw higpitan pa ng lungsod ang mga panuntunan sa mga ipinapabalabas sa mga billboard. -- FRJ, GMA News