Sa mga namimili sa mga supermarket, suriing mabuti ang presyo ng mga binibiling produkto.  Ang isang supermarket sa Antipolo, Rizal, natuklasan ng Department of Trade and Industry na mas mahal ang tunay na presyo sa ilang produkto kumpara sa naka-display na price tag.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nakita ng taga-DTI na magkaiba ang nakalagay sa price tag at tunay na presyo ng ilang produkto kapag isinalang sa price verifier machine sa SM Cherry Antipolo.

Kabilang dito ang isang brand ng corned beef na P32.25 ang nakalagay sa price tag pero P34 ang tunay na presyo [mas mahal ng P1.75] na babayaran ng bumili kapag isinalang sa price verifier machine.

Ang isa namang meatloaf, P16.50 ang nasa price tag, pero P17 pala ang presyo sa verifier machine.

Ang isang kape na sinuri, P75.95 ang tunay na presyo kapag binayaran pero P75 nakalagay na price tag.

Ayon kay Unsecretary Ruth Castelo ng DTI, misleading at deceptive sa mga mamimili ang nakasaad na presyo kaya inatasan nila ang pamilihan na itama kaagad ang mga presyo.

Nakita naman na walang price tag ang ilan pang produkto, na paglabag sa Republic Act 7394 o ang Consumer Act of the Philippines, na nagtatakda sa mga pamilihan na maglagay ng price tag.

Maging ang itinitindang mga gulay, may nakita ring problema ang DTI dahil mas mahal kumpara sa aktuwal na bigat ng produkto.

Gaya ng isang gulay na sinuri na P39.17 ang nakalagay na presyo pero nang timbangin ay P38.66 lang dapat ang tunay na presyo.

Dahil dito, binigyan ng DTI ng show cause order ang supermarket para magpaliwanag.

Sabi naman ng supervisor ng SM Cherry Antipolo, magsasagawa sila ng imbestigasyon sa natuklasan ng DTI.

Samantala, wala pang komento ang pamunuan ng SM Cherry kaugnay sa nakita ng DTI.

Kaugnay nito ininspeksyun din ng DTI ang ilang tindahan ng electrical supplies at appliances, at kinumpiska ang mga produktong walang ICC sticker at product standard mark. -- FRJ, GMA News