Sa halip na gumanda at pumuti ang kilikili ng isang customer, namaga at sobrang namula ito nang pahiran umano ng whitening product na nabili niya via online.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa "24 Oras" nitong Lunes, sinabing naging viral sa social media ang video na ini-upload ni Ranz Harley na nagpapakita sa naging epekto sa kilikili ng customer na pinahiran ng umano ang Goree Beauty Cream.
Sa video, makikita ang kilikili ng customer na pulang-pula at namamaga matapos gamitin sa naturang bahagi ng katawan ang cream sa loob lang ng dalawang araw.
Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), ang mga produktong gaya ng Goree Day and Night Whitening Cream Oil Free at Goree Cream with Lycopene with SPF 30 Avocado and Aloe Vera ay may mataas na antas ng nakalalasong mercury.
Base sa pagsusuri ng ahensiya, lumalabas na ang mga nabanggit na produkto ay may walo hanggang siyam na libong parts per million (PPM) ang mercury content, na lagpas sa itinakdang 1 PPM ng FDA.
"Masyado talagang mataas 'yung content ng mercury, nag-cause sa kaniya ng allergic reaction, meaning hindi nakayanan ng kaniyang katawan," sabi ni Ofelyn Cabrido ng Product Research Standards Development Division ng FDA.
Naglabas na raw ang FDA ng babala sa publiko laban sa paggamit ng mga ganitong klase ng produkto noon pang Oktubre 30, 2017.
Bukod sa skin rashes, ang paggamit ng naturang uri ng produkto ay maaari din daw na magdulot ng kidney damage, skin discoloration, scarring, pagkabawas ng resistensya ng katawan laban sa bacterial at fungal infection, depression at maging sakit sa pag-iisip.
Posible rin daw itong magdulot ng depekto sa sanggol na iluluwal kung buntis ang gumamit nito.
Nagpaalala muli ang FDA na maging maingat sa mga produktong pampaputi o pampaganda.
"Iisa lang ang ating mukha, iisa lang ang ating katawan, pag nagkaroon po 'yan ng adverse reactions pwedeng irreversible 'yan. Hindi natin maibabalik sa original 'yung ating hitsura," saad ni Cabrido.-- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News
