Isang burger store sa North Carolina ang may kakaibang pakulo sa kanilang produkto kung saan sinasamahan nila ng exotic food ang kanilang burger. At ngayong Abril,  nilalagyan nila ng full-grown tarantula o gagamba ang kanilang burger.

 

(REUTERS/Jim Urquhart)

Sa ulat ng Reuters, sinabing "crunchy" at "oven-roasted" ang tarantula na ipinapatong sa burger ng Bull City Burger and Brewery na may kasama pang fries.

Anim na taon na umanong ginagawa ng burger joint ang kanilang pakulo na paglalagay ng exotic meat sa kanilang produkto tuwing Abril.

Nag-alok na rin umano ang naturang resto ng karne ng iguana, buwaya, camels, sawa, pagong at iba't ibang uri ng insekto.

Ang kostumer na si Kristin Barnaby, na aminadong takot sa gagamba o may "arachnophobia," handang labanan ang kaniyang takot.

“I am going to eat my fear,” sabi ng 27-anyos na si Barnaby.

Sinabi ng may-ari ng kainan na si Seth Gross, na naisipan niyang isilbing pagkain ang gagamba matapos niyang mabasa na isa itong street food sa Cambodia.

“I thought this would be a great way to really teach about diversity,” sabi ni Gross.

Gayunman, hindi naman lahat nang pupunta sa restaurant ni Gross ay mapalad na matitikman ang gagamburger o tarantula burger.

“You come in, you fill in a lottery ticket. If we draw your name, you come and get to eat one,” sabi ni Gross.-- Reuters/FRJ, GMA News