Kung mayroon burger sa isang burger joint sa US na may kasamang gagamba, sa Germany, pinapauso naman sa lungsod ng Aachen ang uod o buffalo worms na ginagawang palaman sa kanilang burger.
READ: 'Gagamburger,' puwedeng matikman sa isang burger joint sa U.S.
Ang naturang ubod o larvae ng buffalo beetles ay ginagawang patty at sinasabing masustansiya. Pinaparami ang mga ito sa Netherlands.
Sa isang supermarket, ipinatikim sa ilang namimili ang "uod" burger na isinilbi na may kasamang litsugas, kamatis, at sibuyas.
Una na umano itong sinubukan sa Netherlands at Belgium at naging maganda ang pagtanggap ng publiko.
Ayon kay Manfred Roedder na tumikim sa burger na may uod: “I had reservations at first but I got a second serving because it tasted so good.”
Aniya, magandang pamalit sa karne ang mga uod.
Sinabi ni Baris Oezel, isa sa mga nagtatag ng Bugfoundation na nasa likod ng paggawa ng burger, na apat na taon ang ginugol nila sa konsepto kasama ang Max Kraemer.
Naisip umano nila ang konsepto sa paglalakbay nila sa southeast Asia kung saan karaniwang iniaalok ang mga insekto bilang pagkain.
“It’s quite simple. You have to create an aesthetic product that looks good and doesn’t show any insects,” ayon kay Oezel at sinabing gusto rin ng mga tao ang amoy ng kanilang burger.-- Reuters/FRJ, GMA News
