Hindi lang sila pang-ulam, pang-isport pa.
Ito ang mga malalaking "hipon gubat" kung tawagin matapos silang isabak sa kakaibang karera sa Barangay Sta. Catalina sa Atimonan, Quezon.
sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing ang naturang karera ang pinakainaabangang event sa "Hipon Gubat Festival" ng nabanggit na barangay.
May kani-kanilang pambatong hipon naman ang mga miron na nanood sa karera na pinagawaan pa ng race track.
Pagkatapos ng dalawang round ng takbuhan, itinanghal na ang panalong hipon, at mag-uuwi ng P2,000 premyo ang may-ari nito.
Bukod sa karera, ibinida rin sa kapistahan ang iba't ibang putahe na mula sa naturang hipon.
Mayroon ding street dancing, at demo kung saan papaano hinuhuli ang malalaking hipong gubat sa ilog.
Ang hipong gubat ang isa sa pangunahing pinagkakakitaan ng mga residente sa barangay.
Sinasabing mas malasa ang mga hipong gubat kaysa sa hipon na galing sa dagat.-- FRJ, GMA News
