Parang pinagtagpo ng tadhana ang isang aso at isang kuting na mistulang naging mag-ina kahit magkaiba ang kanilang lahi sa Barangay Tulunan sa North Cotabato.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing kinagigiliwan ng mga residente ang aso at kuting dahil sa naging maganda ang kanilang samahan.
Ayon sa may-ari ng aso, nakunan at nalaglag ang dinadalang tuta sa sinapupunan ng kaniyang alaga kaya mayroon itong gatas.
Nagkataon naman na naligaw sa kaniyang bahay ang kuting at lumapit sa kaniyang aso na nagpapahinga at saka dumede.
Pero sa halip na magalit, hinayaan lang umano ng aso ang kuting na tila itinuring na anak.
Kaya naman daw hindi lang bagong tirahan ang natagpuan ng kuting, kundi pati na rin ang bagong ina--na aso nga lang.-- FRJ, GMA News
