Naging literal na mainit at may "napaiyak" pa sa labanan ng mga kalahok sa pabilisan sa pag-ubos ng tig-isang mangkok ng laing at bicol express na sinahugan ng sandamakmak na siling labuyo sa Magayon Festival sa Albay, Bicol.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, nagpatibayan ng sikmura ang ilang Albayano sa taunang "Hot-aw Sa Kaonan" ng Magayon Festival nang lantakan nila ang maanghan na sikat na pagkain ng Bicol na laing at bicol express.

Ang ilan sa kalahok, tulo-luha sa anghang.

Magkahiwalay ang labanan para sa mga babae at mga lalaki na hindi nagpaawat sa pag-ubos sa pagkain na ubod daw ng anghang.

Sa huli, kinoronahan ang mga tinaguriang "Sili King and Queen" ng Bicol na tinapos ang laban sa loob lamang ng tig-isang minuto.

Ang "Hot-aw Sa Kaonan" ay isa sa mga highlight ng Magayon Festival na ginagawa taun-taon. -- FRJ, GMA News