Ang man-made beach ang isa sa mga nakaengganyo sa mga unit owner para manirahan sa Azure Urban Resort Residences sa Parañaque. Ngayon, nagrereklamo ang ilan sa kanila dahil sa pagdagsa ng mga tao para magamit ang naturang amenities bunga ng bagsak-presyong pagpaparenta ng ilang unit.

Sa ulat ng "Sumbungan ng Bayan" sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ng isa mga nagrereklamong unit owner na si Erik, nakaramdam siya ng pagkalugi sa pagbili ng unit sa Azure dahil sa sistema ng pagpaparenta sa ilang unit at ipinapagamit ang mga amenities tulad ng man-made beach.

"Nagulat lang kami sa volume ng mga tao na coming in," ani Erik, 'di niya tunay na pangalan, isa mga unit owner.

Maliban sa hiyawan ng mga tao, may malakas ding sound system na mistulang nasa isang resort.

Idinadaing niya ang bagsak-presyong short-term lease o pagpaparenta ang umano'y puno't dulo ng pagdami ng mga tao na nagiging dahilan din ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa kanilang lugar at maging sa paggamit ng elavator.

"Yung ibang unit owners na, let's say, desperado na dahil ipit na rin sila doon sa monthly dues na binabayaran nila, so sine-sell out nila iyong unit nila," sabi pa ni Erik.

Nangangamba na rin sila sa kanilang seguridad dahil hindi umano nasusuri ang pagkatao ng mga pumapasok at natutulog sa gusali.

"'Yung ibang guest, diretso naman sa unit nila sa taas. hindi nila nase-secure na dadaan muna sa lobby para mag-register," puna ng isa pang unit owner na si Amy, 'di niya tunay na pangalan.

At kahit doon sila nakatira, hindi raw nila ma-enjoy ang amenities na napapabayaan na rin daw dahil sa dami ng taong gumagamit.

Sa pagtatanong na ginawa ng "Sumbungan ng Bayan" sa Paranaque City Administration Office, napag-alaman na locational clearance, real estate developer at contractor and management services ang kinuhang permit ng Azure, pero walang lessor's permit para sa nagpaparenta sa ilang unit.

"Hindi ko po dini-discount ang possibility that they created a corporation or management service na nagpapaupa. Pero dapat, kasama doon ay iyong lessor's permit na ibibigay ng city.," ayon kay Ferdinando Soriano, City Administrator.

Ilang beses umanong hiningan ng "Sumbungan ng Bayan" ng pahayag ang Azure ukol sa reklamo laban sa kanila. Nagpadala sila ng e-mail at sinabing kakausapin nila ang mga residente at susubukang ayusin ang problema.-- FRJ, GMA News