Kung hindi dahil sa apela ng publiko, baka tinapa na ang baka na pinangalanang si "Penka." Nang magbalik kasi ang hayop sa kaniyang bansang Bulgaria, wala siyang "dalang" papeles na magpapatunay na maayos ang kaniyang kalusugan makaraang maglakwatsa ng dalawang linggo at makatawid sa border ng kalapit na bansang Serbia.
Sa ulat ng Reuters, sinabing sinentensiyahan ng kamatayan si Penka nang magbalik siya sa Bulgaria dahil "wala siyang papeles" na magpapatunay na maayos ang kaniyang kalusugan makaraang tumawid ng border.
Bilang miyembro ng European Union, sinabing kasama sa patakaran ng bawat bansa na dapat may papeles ang mga pumapasok na hayop sa kanilang teritoryo para matiyak na maayos ang kalusugan ng mga ito.
Pero umani ng kritisismo mula sa publiko at animal rights advocates ang naturang pasya kay Penka. Pinuna rin ng netizens na biktima umano ng Brussels bureaucracy ang baka.
Maging ang dating miyembro ng Beatle na si Sir Paul McCartney, pumirma sa petisyon para hilingin sa Bulgaria na huwag patayin ang limang-taong-gulang na si Penka.
Dahil sa mga apela, muling pinag-aralan ng Bulgarian Food Safety Agency ang kapalaran ni Penka. At matapos siyang isailalim sa pagsusuri, binigyan siya ng "clean bill of health" kaya nakaligtas sa kamatayan ang lakwatserong baka.
“It is expected the animal will be allowed back to her former home in the village of Mazarachevo by the end of the week,” sabi ng ahensiya sa pahayag.-- Reuters/FRJ, GMA News

