Dinagsa ng mga panggulong text o spam messages ang text hotline ng National Capital Region Police Office (NCRPO) mula nang ilunsad ito nitong Biyernes para maging sumbungan laban sa mga tiwaling pulis at krimen.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing ilan sa mga spam messages na natanggap sa hotline ay pagbati sa artista, paghingi ng payo at tulong pinansyal sa kinakaharap na kaso, at pati na ang mga pekeng insidente tulad ng aksidenteng kinasangkutan daw ni Pangulong Rodrigo Duterte,
Ayon kay NCRPO Chief Guillermo Eleazar, halos kalahati sa mga text na natanggap nila sa nakalipas na tatlong araw ay walang kinalaman sa kanilang operasyon.
"We have received total of 2,349 SMS messages. Well, ang pinakamarami dito or 47 percent or 1,120, we considered as unrelated du'n sa aming trabaho. Puwedeng prank or spam. Meron iba nga d'un na parang mga advertisement pa... Wala naman d'un na nang-iinsulto," anang opisyal.
Sa 2,349 na text na pumasok, halos kalahati o 1,120 ay mga prank at spam, halos 40 percent naman ang mga pasasalamat at may pagbati. Nasa walong porsiyento naman o 202 ang actionable na kalimitan ay may kaugnayan sa droga, iligal na sugal, at reklamo sa mga umano'y tiwaling pulis.
Nasa 91 o 4% ang ipinasa sa Camp Crame at ilan umano sa mga ito ang naging basehan ng police operations.
"We have responded to at least two reports that resulted in raids of two drug dens. Buy-bust operations, actually. Dalawang buy-bust operation and one operation against illegal gambling," dagdag pa niya.
Tiniyak naman ni Eleazar na hindi makakaapekto sa kanilang pangkalahatang operasyon ang mga panggulong text pero posibleng makapagpabagal ito sa kanilang sistema.
Kaya panawagan ng hepe ng NCRPO sa publiko, maging responsable sa pagpapadala text sa hotline.
"Nananawagan tayo sa ating mga kababayan na be responsible. Huwag na silang makisali pa dito sa mga pagbibigay ng information na mga prank, or mga spam messages," sabi ni Eleazar, na nagpaalala rin na text messages lang ang tinatanggap sa kanilang hotline at hindi puwede ang tawag-- Maia Tria/FRJ, GMA News
