Napagod, umupo sa bangketa, pumailalim sa umandar na sasakyan at himalang halos walang galos na tinamo sa katawan.  Ito ang sinapit ng isang batang anim na taong gulang na nahuli-cam sa Quezon City. Panoorin.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa CCTV ng barangay Culiat, Quezon City ang pag-upo sa gilid ng bangketa ng batang si Johnray Gabriel Salvan ng barangay Culiat, Quezon City matapos mapagod umano sa katatakbo at pakikipaglaro sa kapwa niya mga bata.

Ang puwesto ng upuan ng bata, nasa unahan ng isang nakaparadang sasakyan na halos katabi niya.

Maya-maya lang, dahan-dahan na umarangkada ang kotse at hindi namalayan ng drayber na may batang nakaupo sa unahan na kaniyang nahagip hanggang sa pumailalim sa sasakyan ang biktima.

Nang makalampas ang sasakyan, makikita ang bata na nakahiga sa gilid pero mag-isang nakatayo at tumakbo papunta sa kanilang bahay.

Paniwala ng punong barangay, hindi napansin ng driver na may batang umupo sa harapan ng kaniyang sasakyan.

"Noong umupo ang bata, nandoon na ang driver eh. Baka siguro habang nasa loob nagte-text pa hindi niya alam na biglang may umupong bata," sabi ni barangay chairman Victor Bernardo. "Makikita natin 'yung video napaloob ang bata hindi mo sasabihing hindi nabunggo."

Nang suriin ang bata,  wala siyang galos na tinamo at wala ring bali sa katawan nang ipa-x ray.

Lumabas din umano sa iba pang medical examination at ct scan na walang naging problema sa buong katawan ng bata.

Ayon kay Rey Salvan, ama ng bata, kinabahan siya na baka nagtamo ng pinsala ang anak dahil sa nangyari.

Hindi naman daw nagpabaya sa kanila ang driver at sinagot ang lahat ng gastusin sa pagpapasuri sa bata, ayon sa nakatatandang Salvan.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang driver.

Nagpirmahan din ng kasunduan sa barangay ang driver at ama ng bata para patuloy na obserbahan ng isang buwan si Johnray. -- FRJ, GMA News