Ang ikaapat na ginto ng Pilipinas, nasungkit sa skateboarding ng taga-Lahug, Cebu City na si Margielyn Didal.

Ayon sa ulat ni Ian Cruz sa 24 Oras ngayong Biyernes, pang-apat si Margielyn sa limang anak nina Lito, isang karpintero, at Julie, na isang kasambahay.

Para may pandagdag gastos, tuwing linggo, nagtitinda rin ng kwek-kwek sa tapat ng simbahan si Julie.

Bago natutong mag-skateboard si Margielyn, kasama siyang nagtitinda ng ina.

Sa isang kalsada malapit sa simbahan, nahasa sa pag-i-skateboard si Margielyn sa edad na labindalawa.

Tutol daw noong una ang kanyang ama sa pag-i-skateboad ni Margielyn dahil delikado daw ito para sa isang babae, pero 'di kalaunan, hindi na rin nagpapigil ito.

Pero sa pagpapatuloy ni Margielyn sa skating, hindi na niya natapos ang pag-aaral sa Grade 7.

Samu't saring kompetisyon na ang sinalihan at napanalunan ni Margielyn sa loob at labas ng bansa.

Napakatamis ng tagumpay ng anak lalo na ang makamit ang ginto sa Asian Games.

"Unang-una proud kami sa 'yo. Salamat sa Panginoon binigay niya 'yang hiling niya. Siya ang nagbigay noon hindi kami," ani Julie. —JST, GMA News