Nabulabog ang mga pasahero sa departure area ng Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City nitong Linggo ng gabi nang may makitang ahas na gumagapang sa ilalim ng mga upuan.

Sa video na naka-upload sa Facebook account ni Leon Quintos Añover, makikita ang itim na ahas habang gumagapang sa ilalim ng mga upuan.

Sa isa pang video, ligtas naman itong nakuha ng mga awtoridad at inilagay sa garbage bag.

Sinasabing dakong 7:30 p.m. nang mapansin ng isang pasahero na naghihintay ng kaniyang flight ang ahas na dahilan din para siya mapasigaw.

Mabilis na tumayo ang mga pasahero upang makaiwas sa gumagapang na ahas.

Posibleng umanong galing sa labas at nakapasok sa boarding gate ang ahas na hindi pa tukoy kung anong uri.-- Peewee Bacuño/FRJ, GMA News