Pinanerbiyos muna ng isang sundalo ang kaniyang nobya nang magkunwari siyang naaksidente sa motorsiklo bago niya inalok ng kasal ang nag-aalalang kasintahan sa Koronadal City, South Cotabato.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa video na pinag-usapan din sa social media, ang sundalong rider na nakadapa sa gitna ng kalsada na kunwaring naaksidente.

Ilang saglit pa, dumating naman ang kaniyang nobya na kaagad na lalapitan ang kaniyang nobyo na inakala niyang naaksidente.

Todo na ang pag-aalala ng babae dahil hindi gumagalaw ang nobyo at pinagbabawalan siya ng mga kasabwat na enforcer na hawakan ang lalaki.

Nang tumugon ang babae na kilala niya ang lalaki, doon na bumalikwas ang sundalo at lumuhod sabay labas ng singsing para alukin ng kasal ang nobya.

Lalo naman napaiyak ang babae at napayakap pa muna sa kasamahan.

Nakompleto naman ang pakulo ng sundalo dahil nakuha niya ang matamis na "yes" ng kasintahan. -- FRJ, GMA News