Isang kompanya sa Shiga, Japan ang may kakaibang produktong ibinebenta na patok umano sa tech at entertainment industries sa loob at labas ng kanilang bansa— ang maskarang parang tunay na mukha.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nagkakahalaga ang mga pasadyang maskara ng 300,000-yen o $2,650. Gawa ito sa resin at plastic na kaya umanong gayahin ang halos lahat ng detalye sa kokopyahing mukha, pati na ang mga kulubot sa balat.
Naisipan daw ni Osamu Kitagawa, nagtatag ng REAF-f Company, na gawin ang naturang negosyo habang nagtatrabaho siya sa isang printing machine manufacturer.
Inabot daw ng dalawang taon bago niya natutunan ang paggamit ng three-dimensional facial data mula sa high quality photographs para gawin ang pambihirang maskara na sinimulan niyang ibenta noong 2011.
Bawat taon, umaabot umano sa 100 ang nagpapagawa sa kanila ng maskara mula sa entertainment, automobile, technology at security companies, na karamihan ay nasa Japan.
Sabi pa ni Kitagawa, 60-anyos, may organisasyon din na nag-order sa kaniya na gumawa ng mga maskara ng hari at prinsipe ng Saudi Arabia.
“I was told the masks were for portraits to be displayed in public areas,” saad niya.
Masusi umanong inaalam ni Kitagawa kung saan gagamitin ang maskara para matiyak na hindi ito magagamit sa kalokohan.
Sa hinaharap, plano ni Kitagawa na makagawa ng mas malambot na maskara gamit ang malalambot na materyal tulad ng silicon.
“I would like these masks to be used for medical purposes, which is possible once they can be made using soft materials,” paliwanag niya.
“And as humanoid robots are being developed, I hope this will help developers to create (more realistic robots) at a low cost,” dagdag pa no Kitagawa.-- Reuters/FRJ, GMA News
