Tila hindi nakakalimutan ng isang batang babae ang magandang asal dahil ang pagmamano, ginagawa niya pati sa mga mannequin sa mall sa Taguig.

Sa ulat ng "Unang Balita" ng GMA News nitong Miyerkoles, sinabing viral ngayon ang video ng 2-anyos na si Kassandra Marione Dela Cruz na kinuha sa isang department store.

Sinabi ng kaniyang nanay na uploader ng video na nasanay na si Kassandra na magmano sa mga nakatatanda dahil ito ang itinuro sa kaniya ng tatay na nakadestino sa Mindanao.

Ngunit hindi nila akalain na maging sa mga mannequin ay magbibigay ng paggalang ang bata.

Mayroon nang mahigit 2.4 milyong views ang video. —Jamil Santos/KG, GMA News