Naging literal na maputik ang simula ng "road to forever" ng isang bagong kasal sa Masbate nang ulanin at naging putikan ang kanilang reception. Sa kabila nito, tuloy ang masayang selebrasyon.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ginanap ang kasal nina Rose Jean Pasilan at Jonel Noynay ng Cataingan, Masbate noong December 29.

Puting-puti ang suot na mahabang trahe de boda ang bride na si Rose Jean at naka-white coat naman ang kaniyang mister.

Pero ang kanilang wedding day, sinabayan ng masamang panahon na dala ng bagyong Usman kaya napuno ng putik ang kanilang reception.

Sakabila nito, tuloy pa rin ang first dance ng bagong mag-asawa at hindi naman sila iniwan ng kanilang mga bisita.

Sa halip na sumama ang loob sa nangyari, mas naging extra memorable raw ang kanilang kasal dahil sa kakaiba nilang reception na putik ang naging dance floor. -- FRJ, GMA News