Timbog ang isang lalaki sa Quezon City matapos mambato sa isang piyestahan sa Barangay Ramon Magsaysay sa Bago Bantay noong Martes.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA 24 Oras nitong Miyerkules, nakunan ng CCTV ang aktwal na pambabato ng 28-anyos na suspek na si Jetro Davocol pero lingid sa kaniyang kaalaman, pulis pala ang kanyang napagtripan.

Matapos mambato, mabilis na yumuko ang suspek at nagkunwaring may hinahanap sa nakaparadang tricycle.

"Bigla na lang may tumama sa likuran ko dito sa may bandang leeg. Paglingon ko nagtanong pa ako sino nagbato, bakit kayo nambabato? Napagtanungan ko pa 'yung mismong bumato sa akin," kwento ng biktimang si PO2 Michael Froyalde.

Sumagot pa raw ang suspek at iminungkahing bisitahin ang CCTV sa lugar para malaman kung sino ang nambato.

Tila minalas si Davocol dahil itinuloy nga ng pulis ang pagsilip sa kuha ng CCTV at nabuking na siya ang salarin.

Nagsampa ng reklamo ang pulis laban sa suspek na nasa kustodiya na ngayon ng mga awtoridad.

Humingi naman ng tawad ang suspek at paliwanag niya, wala siya sa sarili nang mangyari ang insidente.

"Dala lang po siguro ng sobrang kalasingan dahil simula po umaga hanggang gabi nag-iinuman, piyesta," ayon kay Davocol.

Desidido ang biktima na ituloy ang demanda dahil balita umano sa lugar na siga ang suspek.

"Prior sa insidenteng nangyari sa amin meron pa siyang sinakal na tao at pagkakaalam ko nga sa ngayon eh magrereklamo din," ayon kay Froyalde. —Dona Magsino/ LDF, GMA News