Kahit nakauniporme, hinabol ng isang babaeng estudyante hanggang sa maaresto ang isang menor de edad na lalaki na humablot sa kaniyang cellphone sa Quezon City. Ang cellphone na ayaw niyang mawala, regalo daw ng kaniyang ina.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang kuha ng CCTV sa ginawang paghabol ng estudyante sa 17-anyos na suspek sa Aurora Boulevard sa Quezon City.
Sa video, makikita ang estudyante na sumampa pa sa mataas na bakod sa gitna ng kalsada kahit pa siya nakauniporme.
"'Yung bata mismo talagang pursigidong habulin 'yung snatcher. Sakto may palabas na residente namin na kabataan din tumulong sa paghahabol," ayon kay barangay captain Vergilio dela Cruz.
Nang makorner ang snatcher, nabawi sa kaniya ang cellphone ng estudyante at plastic bottle na may solvent.
Ayon sa pulisya, ipinaubaya ang suspek sa Bahay-Pagasa hanggang sa sumapit siya sa edad na 18 para harapin ang kaso.
Sinabi ni dela Cruz na maging ang estudyante ay hindi raw makapaniwala na nagawa niyang habulin ang snatcher.
"Ang sabi lang niya is regalo pa daw sa kaniya ng nanay niya 'yung cellphone so talagang importante sa bata 'yung celphone," anang punong-barangay.
Gayunman, hindi ipinapayo ng mga awtoridad sa mga biktima ng snatching na habulin ang salarin dahil baka mapahamak sila. -- FRJ, GMA News
