Hinatulang nagkasala ng isang korte sa Rizal ang isang lalaki na nagmaltrato umano sa dalawang kambing noong 2008. Ang isa sa mga kambing na kaniyang pinagmalupitan, napaanak umano nang wala sa oras.
Base sa court documents na ibinahagi sa GMA News Online ni Anna Cabrera, Executive Director ng animal rights group na Philippine Animal Welfare Society (PAWS), hinatulang guilty ng Binanonan Regional Trial Court Branch 2 sa pagmamalupit sa mga hayop si Andres Paralejas.
Sa dokumento, ilang testigo ang nagpatunay na nakita nilang sinampal, sinipa, at pinagsusuntok ni Paralejas ang dalawang kambing noong October 19, 2008.
Ayon sa testigo, kinatay ang isang kambing dahil sa pinsalang tinamo nito. Habang ang isa namang kambing na buntis, napaanak nang wala sa oras.
Sa paglilitis, iginiit muna ni Paralejas na wala siya sa lugar kung saan naganap umano ang pagmamalupit sa mga hayop. Pero kinalaunan, inamin niya na nandoon siya.
"Accused admitted his presence and should come up with a better reason on why he was the vicinity on October 19, 2008, therefore were near these animals, to which two witnesses identified and saw him kick and hit. Accused is therefore found guilty of maltreatment of goats," saad sa desisyon ni Presiding Judge George Andy Pantanosas.
Dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 8485 o the Animal Welfare Act of 1998 as amended, inatasan ng korte si Paralejas na magbayad ng multang P4,000.
Bukod umano sa naturang kaso, sinabi ni Cabrera na kilabot umano sa pagmamalupit ng kambing ang akusado. Mayroon umanong isang kambing ang namatay matapos na palunukin ng bato ni Paralejas.
Sa ilalim ng Section 6 ng RA 8485, nakasaad na "it shall be unlawful for any person to torture any animal, to neglect to provide adequate care, sustenance or shelter, or maltreat any animal." —FRJ, GMA News
