Nauwi sa pagkakadiskubre ng taniman ng marijuana sa isang bakanteng lote ang isinagawang buy-bust sa Quezon City kung saan pati ang inidoro, tinaniman din.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing naaresto sa buy-bust operation ang umano'y tulak na si Marlon Rebucan, at kaniya umanong mga kliyenteng sina John Nicholas Barquiila at Carl Jhaziril.
Tumangging magbigay ng pahayag si Rebucan, pero nabisto na may taniman ng marijuana sina Barquilla at Jhaziril dahil sa mga larawan na nakita sa kanilang cellphone.
Kaagad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at pinuntahan ang isang bahay Barangay Sta Lucia kung saan natanim umano ang mga marijuana.
Sa rooftop ng bahay, nakita ang mga paso na wala nang laman na hinihinalang pinagtaniman ng marijuana.
"Yun nga rin sana ang isa pa nating habol doon yung medyo malalaki nang marijuana na itinanim nila sa rooftop ng bahay. Kaso pagdating natin doon mukhang nakuha na ng iba pa nilang mga kasama at naitago," sabi ni Police Senior Inspector Dennis Francisco, Chief-SDEU/Intelligence Branch, QCPD-Station 4.
Pero sa isang bakanteng lote, nadiskubre ang anim na pasibol pa lang na marijuana at mga bagong tubo na nasa mga tabo na ginawang paso.
Mayroon pang isang mas malaking tanim na marijuana na nasa inidoro.
Itinanggi naman ng mga suspek na may kinalaman sila sa mga nakitang tanim.
Bukod sa paglabag sa comprehensive dangerous drugs act, kakasuhan din sina Baquirral at Jhaziril ng cultivation of illegal drugs.--FRJ, GMA News
