Isang tsuper ng jeepney ang inireklamo ng kaniyang pasahero dahil sa sobrang bilis magpatakbo at ayaw tumigil kahit pumapara na ang kaniyang mga sakay.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing viral na ang video sa naturang insidente kung saan may rutang Indang-Tagaytay-Mendez ang jeep na minamaneho ni Dennis Solana.

Ang pasahero na kumuha ng video, sumisigaw na at humihingi ng saklolo sa bintana ng jeep.

Isang tricycle driver umano ang humabol sa jeep at nang inunahan niya ang jeep ay iniharang nito ang kaniyang sasakyan kaya tumigil si Solana.

Nakaabang na rin ang mga pulis at tiniketan ang driver kinalaunan.

Ayon sa uploader ng video, umamin ang tsuper na may hangover pa siya nang mangyari ang insidente. Pero desidido ang pasahero na ituloy ang reklamo laban kay Solana.

Pinuntahan ng GMA news team ang tsuper sa kanilang terminal pero hindi raw ito pumasada kaya hindi na nakunan ng pahayag. --FRJ, GMA News