Pinatunayan ng isang babae sa Odiongan, Romblon, ang wagas niyang pagmamahal sa kaniyang nobyo matapos niya itong pakasalan kahit pumanaw na ito dahil sa bangungot.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes, pinakasalan ni Elijah Vertucio ang nobyong si Elvis Novicio sa araw ng huling lamay ng lalaki.
Ayon kay Elijah, kasal na lang daw talaga ang kulang sa kanila dahil 10 taon na silang nagsasama ni Elvis. Sa katunayan, mayroon na silang dalawang anak.
Kinuwento rin ng babae kung paano raw siya pabirong inaya ni Elvis na magpakasal: "Sa Maynila, sabi niya sa akin, pabiro niyang sinabi... 'Will you marry me?' Sabi ko, nagbibiro ka lang naman eh. Hindi naman totoo."
"Sa pagtatanong niya sa akin ng 'Will you marry me,' di ko alam 'yun na pala ang last na naming pagkikita," dagdag niya.
Isang pastor ang nanguna sa kasal ng dalawa. Hindi man daw ito opisyal, subalit ito raw ay pag-alala sa pagmamahal ni Elijah kay Elvis. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News
