Tuwing umaga, naglalako ng gulay si Jacinta Balagtas sa mga kalsada ng Navotas. Sa kabila ng kanyang edad na 83 taong gulang, matiyaga niyang tinutulak ang kanyang maliit na kariton sa araw-araw.

Ginagawa ito ni Nanay Sinta para sa kanyang anak na si Kristina, 52 taong gulang. Nabulag si Kristina noong siya ay sanggol palang dahil sa tigdas.

Dahil sa kapansanan, hindi makapagtrabaho si Kristina at si Nanay Sinta na lamang ang bumubuhay sa kanya.

"Namimili ako ng gulay sa Divisoria alas kuwatro ng madaling araw. Pagdating ko magtinda na ko alas otso, alas siete, ganyan," sabi ni Nanay Sinta. "Lilibot ako sa buong looban na 'yun, hanggang doon sa Daang Hari, Bagong Kalsada, Roldan."

Ang kanyang kariton, halos sira-sira na at gawa lang sa mga lumang kahoy. Pinagtiya-tiyagaan niya itong itulak kahit halos kasimbigat niya ang laman nitong gulay. Minsan, may mga tumutulong daw sa kanyang magtulak lalo na sa mga baku-bakong daan.

Kumikita si Nanay Sinta ng 200 hanggang 300 piso kada araw. Dahil sa hirap ng buhay, wala siyang maipampagamot kay Kristina na kailangan raw palitan ng artificial na mata.

Si Nanay Sinta mismo, marami nang karamdaman. Lumalabo na rin ang kanyang mata at sumasakit ang mga tuhod, ngunit patuloy pa rin ang pagtitinda niya ng gulay para sa anak.

Minsan nang bumigay ang katawan ni Nanay Sinta dahil sa high blood. Pero isang linggo matapos makalabas sa ospital, balik na naman siya sa pagtitinda ng gulay.

"Gusto nga sana ng doktor magpahinga kaso wala naman siyang magagawa kasi nga, 'di ba kailangan nga nilang kumita," sabi ni Josie Mag-ugat, isang kapitbahay. "E kasi kung papahinga siya sinong mag-aano sa kanya, saan sila kukuha ng panggastos? Kaya kahit hindi niya kaya kinakaya niya."

May mga iba pang anak si Nanay Sinta bukod kay Kristina, ngunit nasa probinsya raw ang mga ito at salat din sa buhay kaya hindi sila makatulong sa mag-ina.

Kaya sabi ni Nanay Sinta, hangga't kaya daw ng katawan niyang maghanapbuhay, gagawin niya alang-alang kay Kristina.

"Kawawa 'yung anak ko pag ako nawala sa buhay niya. Hangga't nabubuhay ako, tutulungan ko siya. 'Pag wala na ako, bahala na," sabi ni Nanay.

"Kaya hinihiling ko rin sa Panginoon pa na bigyan niya pa ako ng lakas." —Marisse Panaligan/JST, GMA News